Friday, October 16, 2026

May-ari at driver ng 5 sasakyan na nagkarambola sa Maynila, inisyuhan ng SCO

Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Office (LTO) ang rehistradong may-ari at itinalagang driver ng 5 sasakyan na sangkot sa sunod-sunod na banggaan sa Legarda Flyover, Santa Mesa, Manila noong Lunes, August 24.

Kabilang dito ang dalawang jeep, isang AUV, closed van at motorsiklo.

Sa paunang imbestigasyon, nawalan umano ng preno ang isang jeep habang pababa sa flyover at bumangga sa sasakyang nasa unahan nito, hanggang sa nadamay ang iba pang sasakyan.

Tinitingnan din ng ahensya sa ngayon ang alegasyon na iniwan umano ng driver ang jeep sa lugar ng aksidente nang hindi man lang nagbibigay ng kaukulang tulong sa mga naapektuhan.

Dagdag pa rito, paso na rin ang rehistro ng naturang jeepney, na huling nairehistro noong 2023 pa, habang noong 2025 pa naman huling nairehistro ang motorsiklo.

Dahil dito, posibleng maharap ang mga sangkot na driver at rehistradong may-ari ng sasakyan sa mga kasong Reckless Driving, Duty of Driver in Case of Accident, Operating the Unit/s with Defective Parts and/or Accessories, Compulsory Registration of Motor Vehicles, pati na ang pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Isinailalim na sa alarm status ang nasabing mga sasakyan at pansamantala na ring sinuspinde ng 90 araw ang driver’s license ng mga driver habang gumugulong pa ang imbestigasyon.

Facebook Comments