
Ipatutupad muna ang online classes sa La Salle Greenhills sa Mandaluyong City mula ngayong araw hanggang bukas, Agosto 28, matapos makatanggap ng security concern sa pamunuan ng paaralan.
Ayon sa ulat ng pamunuan, gabi na nang matukoy ang security concern kaya’t ngayong araw isinagawa ang kumpletong on-site investigation at pagpapatupad ng mga kaukulang safety protocol.
Sa kasalukuyan, hindi pa binabanggit ng pamunuan ang uri ng banta na kanilang natanggap at patuloy pa muna itong sumasailalim sa imbestigasyon.
Binigyang-diin din na ang hakbang na ito ay bilang pag-iingat at pakikiisa sa gitna ng mga nakababahalang balita kamakailan.
Gayundin, upang matiyak na hindi malalagay sa panganib ang kaligtasan ng mga mag-aaral at ng buong komunidad ng paaralan.










