MULA SA BASURA, TUNGO SA KABUHAYAN: MGA ECOBAG, LIKHA NG SOLID WASTE WORKERS SA POZZURUBIO

Ang dating itinatapon at itinuturing na wala nang silbi ay nagkakaroon ngayon ng panibagong buhay sa bayan ng Pozzurubio.

Sa halip na tuluyang maging bahagi ng tambak na basura, ang ilang materyales ay kinokolekta, inaayos at binibigyan ng bagong gamit ng grupong Solid Waste Workers of Pozzurubio o SWWAP.

Sa pamamagitan ng pag-upcycle, ang mga ito ay nagiging eco bags at iba pang kapaki-pakinabang na produkto.

Bahagi ito ng pagsusulong ng lokal na pamahalaan ng Pozzurubio ng mas eco-friendly na pamumuhay at mas responsableng pangangalaga sa kalikasan.

Sa halagang limampung piso kada piraso, maaaring magkaroon ng eco bag ang mga residente habang nakikiisa sa isang inisyatibong naglalayong bigyan ng panibagong halaga ang mga materyales na dati nang itinatapon.

Ngunit higit pa sa pagiging alternatibong produkto, may isa pang layunin ang proyekto—ang makalikha ng kabuhayan para sa mga manggagawang nasa likod nito.

Ang kikitain mula sa programa ay ilalaan sa pagpapatuloy ng produksiyon at magsisilbi ring dagdag na kita para sa mga kasapi ng SWWAP.

Sa bawat eco bag na nalilikha, hindi lamang basura ang nabibigyan ng bagong anyo. Naipapakita rin na ang wastong pangangalaga sa kalikasan ay maaaring samahan ng mga oportunidad at kabuhayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments