Patuloy na isinusulong ng administrasyon ni Alaminos City Mayor Arth Bryan Celeste ang mga programa para sa pagpapaunlad ng agrikultura, pagbibigay ng dagdag na kasanayan at oportunidad sa trabaho, at paghahanda sa mga kabataan para sa kanilang kinabukasan.
Kamakailan lamang, inilunsad sa city techno-demo farm sa Barangay Tangcarang ang ikatlong Rice Paddy Art ng lungsod, sa pangunguna ni Sangguniang Panlungsod Member at Committee Chairman on Agriculture, Atty. Walter Macaiba, kasama ang mga farmer-leaders, mga guro at estudyante ng Alaminos City National High School, at mga kawani ng City Agriculture Office.
Isinasagawa ang proyekto katuwang ang PhilRice, hindi lamang bilang dagdag na atraksyong panturismo sa lungsod kundi bilang paraan upang mahikayat ang mga kabataan na pag-aralan ang agrikultura at matutunan ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa pagsasaka.
Bahagi rin ito ng layunin ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Arth Bryan Celeste na maitaguyod ang Alaminos bilang isang
benchmarking site para sa agricultural development at modernization sa Region One.
SAMANTALA, pinalalakas din ng lokal na pamahalaan ang kasanayan ng mga Alaminians at mga residente mula sa karatig-bayan sa pamamagitan ng Training Induction Program on Organic Agriculture Production NC II, sa ilalim ng Tulong Trabaho Scholarship Program.
Layunin ng programa na mabigyan ang mga kalahok ng dagdag na kaalaman at praktikal na kasanayan na maaari nilang magamit para sa mas maraming oportunidad sa trabaho at kabuhayan.
Katuwang ng City Government ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA sa pagpapatupad ng mga skills training program para sa mas produktibo at mas maunlad na komunidad.
SA IBA PANG BALITA, isinusulong naman ng LGU Alaminos sa liderato ni Mayor Arth Bryan Celeste ang Campus Caravan na dadalhin sa mga higher education institution o HEI sa lungsod sa PSU-Alaminos City Campus sa Agosto 18.
Tampok sa programa ang iba’t ibang booth activities, plenary sessions, mga laro, Palarong Pinoy at team-building activities na naglalayong magbigay ng pagkakataon sa mga estudyante na matuto, makilahok at maging mas empowered.
Sa pamamagitan ng magkakaugnay na programang ito, patuloy na binibigyang-diin ng administrasyong Celeste ang kahalagahan ng agrikultura, skills development at youth empowerment bilang bahagi ng pangmatagalang pag-unlad ng Alaminos City. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










