Tuesday, September 15, 2026

Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña, nagsampa ng reklamo sa NBI laban sa mga online vloggers

Naghain ng pormal na reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) Head Office sa Pasay City si Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña laban sa ilang online vloggers at influencers, ngayong Martes, September 15.

Kasama ni Cendaña ang ilang persons with disability (PWD) advocates na naninindigang maprotektahan ang mga biktimang gaya niya na nilalait dahil sa taglay na kapansanan.

Si Cendaña ay isang stroke survivor at malimit umanong pagpyestahan ang kaniyang hindi pantay na bibig dahilan upang tawagin siyang ‘ngiwi’ ng mga tumutuligsa sa kanya.

Nagsampa ng reklamo si Cendaña matapos makatanggap ng paulit-ulit na panlalait sa kaniyang pisikal na mukha sa social media, homophobic slurs at pambabastos.

Inihain ni Cendaña ang reklamo laban sa 30 online accounts na tahasang lumabag sa Republic Act 7277 o Magna Carta for Persons with Disability at Republic Act 11313 o Safe Spaces Act.

Hinihiling ng grupo sa NBI na imbestigahan ang mga nasa likod ng mga post, i-preserba ang mga ito bilang digital evidence at patawan ng kaukulang parusa ang mga nambastos laban sa sektor ng PWD.

Facebook Comments