
Tumanggi munang magkomento ang Department of Justice (DOJ) kaugnay sa kaso ni Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court (RTC).
Ito ay kasunod ng pagpapaliban ng korte sa arraignment ni VP Sara kaugnay ng 3 counts ng grave threats na kinakaharap nito.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, igagalang nila ang pasya ng korte na ipagpaliban ang arraignment habang hinihintay ang desisyon sa mosyon na inihain ng kampo ng pangalawang pangulo.
Kaugnay nito, hihintayin muna ng prosekusyon na maresolba ang mosyon bago sila muling magbigay ng pahayag kaugnay sa kaso.
Sa ngayon ay may nakabinbin na petisyon ang kampo ni Duterte sa Korte Suprema na humihiling na maglabas ng temporary restraining order sa pag-usad ng kaso sa QC-RTC.
Nahaharap sa kasong grave threats si VP Sara dahil sa pahayag nito na may kinontrata na umano siya para patayin sina PBBM, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyari sa kaniya.










