Saturday, August 8, 2026

AKTIBONG BFP PERSONNEL, ARESTADO SA DAGUPAN CITY SA UMANO’Y ₱150,000 RECRUITMENT SCAM

‎Naaresto ang isang 35 anyos na aktibong miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa isinagawang entrapment operation ng Dagupan City Police Office (DCPO) noong gabi ng Agosto 5 sa Dagupan City dahil sa umano’y recruitment scam.

‎Ayon sa DCPO, ang suspek ay hinihinalang nangako sa isang 25 anyos na residente ng Santo Tomas, Pangasinan ng siguradong slot sa 2026 BFP recruitment sa Region 1 kapalit ng ₱150,000.

‎Batay sa imbestigasyon, unang nakipag-ugnayan ang suspek sa biktima sa pamamagitan ng social media noong Hulyo 30.

‎Noong Agosto 5, muling nakipag-ugnayan umano ito sa pamamagitan ng tawag at Messenger upang alukin ang biktima ng garantisadong pagpasok sa BFP kapalit ng malaking halaga.

‎Humingi ng tulong ang biktima sa Police Station 1 ng DCPO kaya agad na nagsagawa ng joint entrapment operation kasama ang City Criminal Detection and Enforcement Unit (CDEU), City Intelligence Unit (CIU), at mga kinatawan ng BFP Region 1.

‎Sa isinagawang operasyon, tinanggap umano ng suspek ang marked money ngunit nagtangkang tumakas nang mapansin ang mga pulis. Matapos ang maikling habulan, naaresto siya malapit sa hangganan ng Dagupan City at Binmaley.

‎Hindi pa agad narekober ng mga awtoridad ang marked money, at patuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung ito ay itinapon, itinago, o naipasa ng suspek habang tumatakas.

‎Isinailalim ang suspek sa medico-legal examination bago dinala sa custodial facility ng DCPO. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya sa Office of the City Prosecutor. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments