14 BAYAN AT LUNGSOD SA PANGASINAN, MAKARARANAS NG HALOS 8-ORAS NA SCHEDULED POWER INTERRUPTION NG NGCP

‎Makakaranas ng halos walong oras na scheduled power interruption ang 14 bayan at lungsod sa Pangasinan sa Agosto 16, bunsod ng isasagawang preventive maintenance ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

‎Ayon sa NGCP, isasagawa ang scheduled power interruption mula alas-6:30 ng umaga hanggang alas-2:30 ng hapon.

‎Magsagawa umano ng preventive maintenance sa Nagsaag Substation, kasabay ng maintenance sa Nagsaag-Tumana 69-kilovolt (kV) at Nagsaag-Umingan 69-kV transmission lines ang ahensya.

‎Apektado ng power interruption ang ilang barangay sa Urdaneta City at Asingan, na makikita sa listahang inilabas ng mga lokal na pamahalaan.

‎Samantala, mawawalan ng suplay ng kuryente ang buong bayan ng Balungao, Natividad, Rosales, San Nicolas, San Quintin, Sta. Maria, Santo Tomas, Tayug, at Umingan.

‎Kasama rin sa mga maaapektuhan ang Brgy. Yatyat sa Laoac, Brgys. San Juan at San Vicente sa San Manuel, at halos buong Villasis, maliban sa Brgy. La Paz.

‎Ayon sa NGCP, maaaring maibalik ang suplay ng kuryente nang mas maaga o mas late kaysa sa itinakdang oras.

‎Humingi ng paumanhin ang ahensya sa abalang maidudulot ng nakatakdang power interruption sa mga apektadong lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments