Tuesday, September 1, 2026

MARINA, nagbabala laban sa mga fixers matapos magkaroon ng problema ang ilan nilang sistema

Binalaan ng Maritime Industry Authority o MARINA ang publiko laban sa mga fixer na maaaring samantalahin ang pagkakataon matapos magkaproblema ang kanilang sistema ng Seafarer’s Identity Document (SID) at Seafarer’s Record Book (SRB) processing.

Ayon kay MARINA Administrator Sonia Malaluan, nagsasagawa ang ahensya ng entrapment operations kasama ang Philippine Coast Guard (PCG) habang may Memorandum of Agreement din sila sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa mga kaukulang imbestigasyon.

Hinikayat ang mga seafarer na i-report ang mga kahina-hinalang nag-aalok ng “sure” appointment, mabilis na processing o pagrelease ng dokumento kapalit ng malaking bayad.

Paalala ng MARINA, mahalagang makuha ang pangalan, contact number, resibo at iba pang ebidensya upang makatulong sa imbestigasyon.

Nilinaw naman ng ahensya na hindi lahat ng nagbibigay ng assistance service ay fixer.

Sinabi ni Malaluan na maaaring lehitimong serbisyo ang pagtulong sa pag-upload ng dokumento o paggamit ng online system.

Aniya, ang mga fixer ay ang mga indibidwal na nangangakong kukuha ng slot, magpapabilis ng processing o magpapadali ng approval gamit ang hindi opisyal na paraan at kapalit ng bayad.

Kaya paalala ni Malaluan, maging mapanuri lalo na kung mataas ang singil, walang resibo, o nangangako ng siguradong slot o mabilis na approval kung saan maiging i-report ito agad sa MARINA.

Facebook Comments