
Inilatag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Kamara de Representante noong Huwebes, August 27 ang paglalaanan ng P332.5 billion na panukalang pondo ng departamento para sa susunod na taon (2027).
Mapupunta ang pinakamalaking alokasyon sa tatlong attached agencies ng departamento, partikular sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
P242.5 billion na alokasyon ang planong ibigay sa PNP para suportahan ang iba’t ibang operasyon ng pulisya at pagpapatayo ng mga bagong pasilidad.
Susuportahan naman ng nasabing panukalang pondo ang pagpapalakas sa fire prevention, oppression, at emergency response ng BFP, habang ang panukalang pondo naman para sa BJMP ay para sa pagre-recruit ng karagdagang personnel para mapalakas ang operational capability, operasyon kontra iligal na droga sa loob ng mga kulungan, at pagpapatayo rin ng jail facilities.
Dagdag pa rito, palalakasin rin umano ng DILG ang Unified 911 System para makapag-accomodate ng mas maraming tawag, mabawasan ang mga prank calls, at mapabuti pa ang emergency response time.
Binigyang diin ni DILG Sec. Jonvic Remulla na layon ng panukalang pondo na suportahan ang priority programs ng departamento para sa pagpapabuti ng kakayahan ng mga local government unit (LGU), masigurong ligtas ang mga komunidad, at mapalakas pa ang kanilang emergency response.
Nangako rin si SILG Remulla na mapupunta sa makabuluhang pagsiserbisyo para sa publiko ang kada kusing na magagastos mula sa panukalang pondo.










