ALAGANG BAKA, KINATAY NG MGA DI PA NAKIKILALANG SUSPEK SA SANTIAGO CITY

Ulo, buntot, balat, at paa na lamang ang natirang bahagi ng katawan ng isang alagang baka, matapos itong katayin ng mga kawatan sa Purok 7, Balintocatoc, Santiago City, Isabela.

Kinilala ang may-ari ng nasabing baka na si Emerson Villasfler, 28 taong gulang, binata at residente ng Purok 3, Balintocatoc, Santiago City.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, nagtungo umano si Johnny Ortega sa sinasaka nito upang tingnan sana ang kaniyang mga pananim na palay.

Ngunit doon ay natuklasan nito ang ilang bahagi ng katawan ng kinatay na baka na nasa gilid lamang ng kaniyang palayan.

Ayon kay Ortega, ilang metro lamang umano ito mula sa kung saan ipinapastol ni Villasfler ang kaniyang alaga.

Kung kaya’y nang makita umano ni Ortega si Villasfler ay sinabi nito mayroon itong nakitang ilang bahagi ng parte ng baka, at doon nakumpirma nga ng biktima na iyon nga ang kaniyang alaga na inakala nitong nakawala lamang.

Ayon naman sa PNP Santiago City, nasa apat na katao ang nagtulong tulong sa pagkatay at posibleng mga batikang partidor ang mga ito.

Kasalukuyan na ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ukol sa nasabing insidente dahil wala naman umanong nakaalitan na sinuman ang biktima.

Posible rin umano isinakay ng mga suspek ang katawang bahagi ng baka sa isang trike base na rin sa mga naiwang bakas ng mga gulong doon.

Facebook Comments