
Binigyang diin ng House prosecution panel na hindi isyung personal at hindi nila pinupuntirya na idawit si Atty. Manases Carpio sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V, hindi personal kundi conjugal ang rason kung bakit nakaladkad si Carpio sa impeachment case na kinakaharap ng kanyang misis na bise presidente.
Paliwanag ni Ortega, malinaw ang lumabas sa impeachment trial na milyun-milyon ang kayamanan at financial transactions ni Carpio na hindi nakadeklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni VP Sara.
Binanggit naman ni House prosecutor at Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores na dapat ay kasama sa idinideklara sa SALN ni VP Duterte ang kayamanan ng kanyang mister dahil yun ay conjugal o pag-aari nilang dalawa.
Paliwanag naman ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Atty. Gerville Luistro, batay sa absolute community of property sa ilalim ng Family Code, kung walang prenuptial agreement, ay tatamaan talaga si Carpio sa alegasyon na may hindi maipaliwanag na yaman si VP Duterte.
Tugon ito ng mga miyembro ng House prosecution panel sa pahayag ni Atty. Carpio na tila siya na ang pinupuntirya at inuusig sa impeachment trial ni VP Sara.










