
Tahasang pinabulaanan ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga ulat na mayroong blank pages at figures sa isinumiteng 2025 General Appropriations Act.
Sa isang pahayag, tinawag ng DBM na malisyoso at iresponsable ang alegasyon kaugnay sa pambansang budget.
Ang mga dokumento anilang ipinresinta ng ilang tinawag na misinformed individuals ay mga pahina na mula sa report ng Bicameral Conference Committee.
Sa ilalim din daw ng Saligang Batas, ang General Appropriations Bill at hindi ang Bicam Report ang opisyal na isinusumite para sa konsiderasyon, approval o pag-veto ng pangulo.
Ibig sabihin, ang GAB na nilagdaan ng pangulo ay kumpletong dokumento at walang anumang blangko o nawawalang detalye.
Hindi rin daw naglalabas ang Ehekutibo ng GAA na mayroong blangkong mga pahina at numero.
Sa huli, nanawagan ang DBM sa publiko na maging maingat, mapanuri at alamin muna kung totoo o hindi ang mga impormasyon bago maglabas ng paratang.