
Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang mga bagong alituntunin ng Department of Education (DepEd) na namamahala sa mga aktibidad ng pulisya at sa presensya ng baril sa loob ng mga paaralan.
Inatasan na rin ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., ang mga yunit ng pulisya na makipag-ugnayan muna sa mga principal bago magsagawa ng anumang aktibidad sa paaralan at iwasang magpakita o magdala ng mga baril sa loob ng mga silid-aralan at mga lugar ng pagkatuto.
Ayon kay Nartatez, ang kaligtasan at kapakanan ng mga bata ang nananatiling prayoridad ng PNP kung saan ang presensya ng pulisya sa mga eskwelahan ay dapat nagbibigay ng seguridad at hindi ng takot at intimidasyon.
Ang direktiba ay inilabas matapos magpalabas ang DepEd Camarines Norte ng memorandum na nag-aatas sa mga pulis, sundalo, at iba pang unipormadong tauhan na bumibisita sa mga paaralan na magsuot ng Type C uniform o iba pang kasuotan na hindi pangkombat.










