
Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi pa maituturing na pangunahing suspek sa kaso ng pagdukot at pagpaslang sa negosyanteng si Anson Que ang anak nitong si Ronxian Gou, kilala rin bilang Alvin Que.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen, Jean Fajardo, patuloy ang imbestigasyon sa posibleng pagkakasangkot ng anak ni Que, matapos itong mabanggit sa salaysay ni David Tan Liao na isa sa mga itinuturong utak sa krimen.
Ani Fajardo, cooperative naman si Alvin Que sa imbestigasyon kung saan kusa nitong isinuko ang kanyang cellphone sa pulisya upang isailalim sa forensic.
Giit ni Fajardo, hindi basta paniniwalaan ng PNP ang lahat ng sinabi ni Liao, at patuloy silang nangangalap ng dagdag na ebidensya para patunayan ang mga alegasyon nito laban kay Alvin Que.
Samantala, iniimbestigahan na rin ng PNP ang umano’y iligal na proseso kung saan dumaan ang 200 milyong pisong ransom money.
Ani Fajardo, dumaan ito sa mga junket operators ng casino at na-convert sa cryptocurrency.
Sa ngayon, tatlo na ang nasa kustodiya ng PNP kung saan 2 pang suspek ang patuloy na tinutugis.