
Nabahala si Senate Committee on Basic Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian na isa sa bawat limang nagtapos ng senior high school ang hirap o hindi makaunawa.
Sa pagdinig ng komite, tinukoy ni Gatchalian na mayroong 18.9 million na mga Pilipino ang inalis sa bagong depinisyon ng “functional literate” pero kasama sa mga nakapagtapos ng pag-aaral sa high school.
Ayon kay Assistant National Statistician Adrian Cerezo, batay sa 2024 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey, 79 percent ng senior high school graduates ang functionally literate habang mayroong 21 percent na nagtapos pero hindi marunong magbasa at makaunawa.
Batay rin sa pag-aaral, aabot sa 24.8 million na mga Pilipinong edad sampu pataas sa buong bansa ang may problema sa understanding at comprehension o hirap umunawa o hirap magproseso ng kaalaman.
Ipinunto ni Gatchalian na ang bilang na ito ay tinatawag namang “functional illiterate”, ibig sabihin marunong sila magbasa at sumulat pero hirap silang umunawa at umintindi.
Maliban dito, naitala rin noong nakaraang taon ang 5.8 million na mga Pilipino ang tinatawag naman na “basic illiterates” o ito yung mga taong “no read, no write” o hindi nakakapagbasa, hindi nakakasulat at hindi rin nakakapagbilang.
Kinalampag ni Gatchalian ang education sector sa bansa na agad tugunan ang nasabing problema partikular ang Department of Education (DepEd) na maging proactive sa pagtiyak na walang estudyante ang magtatapos sa pag-aaral na hindi marunong magbasa, magsulat at umunawa.