
Nagsagawa ng kilos-protesta ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) ngayong World Teachers’ Day para igiit ang dagdag-sahod, makataong trabaho at mas malaking pondo para sa edukasyon.
Nagmartsa ang mga guro mula sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa patungo sa Mendiola dala ang kanilang anim na pangunahing panawagan.
Kabilang dito ang ₱50,000 panimulang sahod para sa mga guro, ₱5,000 PERA para sa government workers, at 6% ng GDP para sa edukasyon.
Hinihingi rin nila ang makataong workload at working conditions, sapat at pantay na oportunidad sa promotion, at pagrespeto sa karapatan at academic freedom ng mga guro.
Giit ng ACT, hindi sapat ang papuri at pagkilala sa mga guro kung hindi ito sasabayan ng disenteng sahod at konkretong suporta.
Nagbabala ang grupo na maaari nilang palawakin ang kanilang pagkilos, kabilang ang mass walkouts at strike, kung patuloy umanong hindi tutugunan ng pamahalaan ang kanilang mga panawagan.
