
Hiniling ni Senator Erwin Tulfo ang mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Bullying Act.
Tinukoy ni Tulfo na kung noon ang bullying ay humahantong sa masasakit na salita o pisikal na pananakit, at pagkitil sa sariling buhay, ngayon aniya ay pagpatay na ang nagiging resulta tulad ng nangyari sa isang paaralan sa Tacloban City.
Itinuturo kasing dahilan ng dalawang suspek ang bullying na nag-udyok sa kanila para gawin ang krimen ng pamamaril na ikinasawi ng tatlo sa kanilang ka-eskwela.
Hinikayat ni Tulfo na lagyan na ng pangil ang Anti-Bullying Act at hindi na dapat hayaan na mahanay ang bansa sa mga lugar na nangyayari ang madalas na mass shooting at bullying sa mga paaralan.
Samantala, sa July 1 ay nakatakdang imbestigahan ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality ang school shooting incident sa San Jose National High School.
Nais malaman ni Tulfo kung may pagkukulang ba ang paaralan, saan ang naging problema, at paano maiwasan ang ganitong mga insidente sa mga eskwelahan.










