
Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives ang House Bill No. 8389 o panukalang Anti-Political Dynasty Act.
Nasa 267 kongresista ang bumoto pabor sa panukala, habang 20 ang tumutol at pito ang nag-abstain.
Sa ilalim ng panukala, pagbabawalang sabay-sabay na manungkulan sa iisang lugar o lokalidad ang mga magkakapamilyang may ugnayan hanggang second degree of consanguinity o affinity.
Saklaw nito ang mag-asawa, magkakapatid, mga magulang at anak, gayundin ang mga lolo, lola, at apo.
Nasa 159 na kongresista ang may-akda ng panukala sa pangunguna nina House Speaker Faustino ‘Bojie’ Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander ‘Sandro’ Marcos.
Ikinalugod naman ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman Zia Alonto Adiong na matapos ang apat na dekada ay natupad na ng Kongreso ang atas ng Konstitusyon na magkaroon ng enabling law laban sa political dynasty.










