
Nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso ang apat na suspek matapos maaresto ng mga operatiba ng Porac Municipal Police Station dahil sa “fake gold scam.”
Batay sa report ng Police Regional Office 3, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis sa Brgy. Manuali, Porac, Pampanga.
Nakipagtransakyon ang mga pulis sa mga suspek na kunwari ay bibili ng pekeng ginto.
Nagawa pang paputukan ng mga suspek ang mga pulis sa kasagsagan ng transaksyon bago sila maaresto.
Narekober sa mga ito ang isang pekeng gold bar, boodle money, .38 caliber revolver, improvised shotgun, mga bala ng baril, fragmentation grenade, at jungle bolo.
Samantala, lumalabas naman sa imbestigasyon na sangkot din ang apat na suspek sa pananaksak nito lamang March 11, 2025.
Ang mga suspek ay sinampahan na ng mga kasong Swindling, Attempted Murder, paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, Illegal Possession of Explosives at paglabag sa Comelec Omnibus Election Code.