Apat na sundalo, arestado sa paglabag sa gun ban sa Pampanga

Nasakote ang apat na aktibong sundalo matapos lumabag sa umiiral na gun ban.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson at PRO3 Regional Director PBGen. Jean Fajardo nirespondehan ng San Simon Municipal Police Station ang sumbong ng isang nagngangalang “Mark,” na sinasabing ilang araw nang sinusundan ng isang kahina-hinalang sasakyan mula San Simon hanggang Valenzuela.

Na-trace ng mga pulis ang nasabing sasakyan sa isang gasolinahan sa Barangay San Isidro kung saan noong nilapitan ng mga awtoridad, isa sa mga suspek ang biglang bumunot ng baril.

Pinilit humarurot ng sasakyan kaya pinutukan ng mga pulis ang gulong upang mapigilan ang pagtakas.

Nahuli ang mga sundalo sa Quezon Road, Barangay San Isidro at isa sa kanila ang tinamaan ng bala sa leeg at agad dinala sa ospital.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang baril, mga magazine na may lamang bala, mga ID, dalawang-2way radios, video camera at iba pang gamit.

Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung may kaugnayan ang grupo sa mas malalaking ilegal na aktibidad.

Facebook Comments