APO Production Unit, iginiit na hindi itataas ang presyo sa pagkuha ng pasaporte

Nilinaw ng APO Production Unit na wala silang balak na magtaas sa presyo ng iniimprentang pasaporte.

Ito’y matapos mapagusapan ang posibleng pagtaas sa passport fee na kasalukuyang nasa P900 tungo sa P1,500.

Sa budget hearing ng Presidential Communications Office (PCO) kung saan attached agency ang APO, nagpaliwanag si APO Production Unit Head Atty. Gil Carlos Puyat na hindi sila humihiling na itaas ang presyo ng pasaporte.

Ang hinihiling aniya nila ay subsidiya na maisama sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Paliwanag ni Puyat, hindi na nagbago ang presyo ng produksyon ng pasaporte mula pa noong 2016 at may epekto rin ang paglawak ng validity ng passport hanggang sampung taon.

Patuloy aniyang tumataas ang presyo ng raw materials at logistics, gayundin ang foreign exchange at epekto ng inflation.

Sinabi naman ni Finance Committee Chairman JV Ejercito na kung kailangan ng subsidiya ay dapat mapagaralan ito at mapagtulungan ng mga ahensya para matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng pasaporte lalo na sa mga OFWs.

Facebook Comments