
Tiniyak ni financial forensic analyst Atty. Alexander Cabrera na tama ang kanilang computation sa undeclared assets ni Vice President Sara Duterte na aabot sa higit ₱817.87 milyon na hindi deklarado sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng bise mula 2022 hanggang 2025.
Tinanong ni Senator-judge Risa Hontiveros kung paanong nasiguro ni Cabrera na tama ang computation at walang nadoble sa bilang ng mga assets ng bise presidente.
Paliwanag ni Cabrera, metikuloso o maigi nilang sinuri ang mga dokumento kung saan “anim na mata” ang kasama niyang nagsagawa ng review sa mga bank at financial records ni Duterte.
Inihalimbawa ni Cabrera ang paggamit nila ng software technology tulad sa Cale88 kung saan naikumpara at na-verify nila na magkaiba ang local bank accounts sa mga bank accounts na pinasukan ng mga foreign remittances.
Maliban dito, nasiguro rin nila na “fresh money” ang mga ending cash balances dahil nakita nila na nauubos talaga ang pera at saka papasok ang bagong pera sa sumunod na taon kaya na-establish nila na bagong pera talaga ang pumapasok taon-taon.
Binigyang-diin din ni Cabrera na mahalagang isama sa SALN ni VP Sara ang pera at mga assets ng mister nitong si Atty. Mans Carpio dahil kung ano kita asawa ay siya ring kita ng maybahay na bise presidente maliban kung mayroong prenuptial agreement.










