
Makatwiran para sa House Prosecution na ika-alarma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nabunyag na mahigit ₱319 milyon na Chinese remittances sa Cale88 Foods Corporation, ang kompanyang konektado sa mister ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases Carpio.
Diin ni House Impeachment Adviser at Trial Spokesperson Ace Barbers, talagang nakaka-alarma ang nabanggit na impormasyon na nabunyag sa impeachment trial ni VP Duterte batay sa mga dokumentong ipinrisenta ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Ayon kay Barbers, ang nasabing transaksyon ay nakakatakot dahil maaring may implikasyon sa pambansang seguridad.
Reaksyon ito ni Barbers, sa pag-aalala ni Pangulong Marcos sa posibilidad na ang nabanggit na pondo mula sa Tsina na maaring nakarating kay VP Sara sa pamamagitan ng kompanyang konektado sa kaniyang mister.
Ang Chinese remittances ay kabilang sa mga lumutang na financial transactions sa presentation ng mga ebidensya kaugnay sa ikalawang article of impeachment o alegsyong may hindi maipaliwanag na yaman si VP Sara na hindi idineklara sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) disclosure requirements.










