Nagbigay babala ang mga awtoridad at pamunuan ng Barangay Bonuan Binloc ukol sa mga residente at publiko matapos ang insidente ng umano’y pagnanakaw ng mga kable o wirings ng water pump sa tanggapan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang nauwi sa pagkakaaresto ng ilang indibidwal matapos ang follow-up operation ng mga awtoridad.
Ayon sa ulat, unang nahuli ng mga guwardiya ng BFAR ang mga suspek.
Gayunman, sa unang pangyayari ay nakalabas umano ang mga ito kaya’t isinagawa ang mas malalim na paghahanap sa kanilang mga tinutuluyan sa Purok Korea, kung saan sila tuluyang nahuli.
Isinagawa na rin ang turnover ng mga naaresto sa Philippine National Police Dagupan para sa kaukulang imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng kaso.
Samantala, muling iginiit ng lokal na pamahalaan at barangay officials ang kahalagahan ng pagiging alerto ng publiko laban sa mga insidente ng pagnanakaw.
Hinihikayat ang mga residente na makipagtulungan sa awtoridad sa pamamagitan ng agarang pag-uulat ng kahina-hinalang aktibidad at pagpreserba ng ebidensiya.
Nagpaalala rin ang pamunuan ng Barangay Bonuan Binloc sa mga hakbang upang maiwasan ang pagiging biktima ng krimen, kabilang ang pag-iingat sa mahahalagang gamit, tamang pagla-lock ng mga pintuan at bintana, at pag-iwas sa pagbabahagi ng sensitibong impormasyon sa social media. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








