Dalawang komersyal na sasakyang pangisda ang nasabat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 1 matapos umanong gumamit ng ipinagbabawal na Danish seine o “buli-buli” sa magkahiwalay na law enforcement operation sa Lingayen Gulf nitong Hunyo 2026.
Isinagawa ang operasyon ng composite fisheries law enforcement team ng BFAR Region 1 sa pamamagitan ng seaborne patrols.
Ayon sa ulat ng BFAR Region 1, alinsunod ang hakbang sa pagpapatupad ng Philippine Fisheries Code laban sa ilegal na pangingisda.
Kasalukuyang inihahanda ng BFAR Region 1 ang mga kinakailangang dokumento at ebidensya para sa pagsasampa ng kaukulang kaso kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 8550, na inamyendahan ng Republic Act No. 10654.
Nanawagan din ang ahensya sa publiko na pangalagaan ang yamang-dagat at iulat ang anumang hinihinalang ilegal na aktibidad sa pangingisda sa mga kinauukulang awtoridad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










