BABAENG PULIS, SUGATAN SA PAMAMARIL NG AMA

Sugatan ang isang babaeng pulis matapos pagbabarilin ng sariling ama sa bayan ng Maddela, Quirino.

Sa ibinahaging impormasyon ng pulisya, kinilala ang biktima na si PCpl Riza Olosan, nasa hustong gulang, kasapi ng Maddela Municipal Police Station at residente ng Villa Norte, Maddela, Quirino.

Una rito, nakatanggap ng tawag ang himpilan ng Maddela Police Station mula sa Maddela District Hospital na mayroon silang nirespondehan na biktima ng pamamaril.

Sa pagtugon ng kapulisan ay nakumpirma ang insidente at natukoy ang pagkakakilanlan ng biktima.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na sa kanilang bahay ang biktima sakay ang Toyota Vios na minamaneho ni Den Mark Galope, 30 taong gulang, PNP Member rin na nakatalaga sa Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya Police Provincial Office at residente ng Brgy. Quezon, Cordon, Isabela nang pagbabarilin ng tatlong beses sa leeg ang biktima.

Natukoy ang suspek na si Robert Taipan na ama rin ng biktima.

Inilipat na sa isang ospital sa Lungsod ng Santiago ang biktima para sa kanyang pagpapagaling.

Nagpapatuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang motibo ng pamamaril.

Facebook Comments