Tuesday, April 21, 2026

LALAKI, NATAGPUANG PATAY MATAPOS MALUNOD SA ILOG SA SAN FABIAN

Isang 50 anyos na lalaki ang nasawi matapos umano’y malunod sa Cayanga River sa Brgy. Longos Central, ayon sa ulat ng pulisya.

Batay sa report, ay huling nakitang buhay ang binatang biktima bandang alas-4:00 ng hapon noong April 19. Ayon sa kanyang bayaw, nagtungo umano ito sa ilog upang magpalipas ng tama ng alak at maglangoy.

Kinabukasan, bandang alas-6:30 ng umaga, natagpuan ang biktima na palutang-lutang sa gilid ng ilog ng isang saksi na residente rin ng lugar. Agad namang rumesponde ang isa pang residente at iniahon ang katawan ng biktima mula sa tubig.

Ayon sa pamilya, hindi na dinala sa pinakamalapit na ospital ang biktima dahil sa indikasyong matagal na itong nakalubog sa tubig. Tinanggap na rin ng mga kaanak na ang sanhi ng pagkamatay ay dulot ng aksidenteng pagkalunod.

Patuloy na pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na mag-ingat sa paglangoy, lalo na kung nakainom ng alak, upang maiwasan ang kahalintulad na insidente. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments