Monday, April 20, 2026

294 na mga gasolinahan na pansamantalang nagsara, naitala ng PNP sa buong bansa; mga nakasuhan may kaugnayan sa langis, umabot na sa 27

Nasa 294 na mga gasolinahan ang naitala ng Philippine National Police (PNP) na pansamantalang nagsara sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ang nasabing tala ay mula sa nagpapatuloy na monitoring ng PNP sa higit 14,000 na gasoline stations sa buong bansa.

Mula March 1 hanggang April 18, nakapagfile na ang mga awtoridad ng nasa 27 na mga kasong may kaugnayan sa langis, kabilang dito ang pitong kaso ng hoarding, isang kaso ng profiteering, at 19 na iba pang mga paglabag na may kaugnayan naman sa ilegal na pagiimbak, pagbyahe, at pagbenta ng produktong petrolyo.

Kung saan ang pinakahuling operasyon ay nangyari sa Agusan del Norte matapos maaktuhan ang dalawang indibidwal na inililipat sa mga barrel at malilit na container ang petrolyo mula sa isang tanker truck.

Nakumpiska sa nasabing operasyon ang nasa higit P6-M na halaga ng produktong petrolyo at nahaharap sa kaukulang kaso ang mga naarestong suspek.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., tuluy-tuloy lang ang monitoring ng pulisya at pakikipagugnayan sa lokal na pamahalaan para maiwasan ang anumang pananamantala.

Facebook Comments