Mas pinaiigting ng Mangaldan National High School ang seguridad ng mga estudyante sa pagsasagawa ng Bag Inspection at pagpapanatili ng kaayusan upang makaiwas sa bullying.
Ayon kay Danilo S. Eden, Assistant Principal II ng paaralan, mayroon na silang mahigit 15 security guards na nakaatas sa pagbabantay maging mga guro at iba pang school personnel ay tumutulong sa seguridad.
Halos 8,000 din umano ang populasyon ng kanilang mag-aaral, kaya kinakailangan ang pagtutulungan upang maisagawa nang maayos ang inspeksyon.
Bago pa man din naganap ang mass shooting sa tacloban ay matagal na rin umano nilang isinasagawa ang bag inspection gamit ang scanner.
Madalas umanong nakukumpiska ang brass knuckles, alak na inilalagay sa mga tumbler, sigarilyo, gunting, at iba pang matutulis na bagay na siyang agad na itinaturn over sa Guidance Office, habang pinatatawag naman ang mga magulang ng mga sangkot na estudyante.
May mga barangay tanod at mga pulis sa din na nakabantay sa pedestrian lane at sa pagpapanatili ng kaayusan ng trapiko sa harap ng paaralan.
Ayon naman sa ilang estudyante, malaking tulong ang mahigpit na bag inspection at iba pang ipinatutupad na alituntunin ng paaralan dahil nabawasan nito ang kaso ng bullying at pagdadala ng ipinagbabawal na gamit.
Samantala, ayon kay Elmer Menor, isa sa mga security guard ng paaralan, kusa na ring binubuksan ng mga estudyante ang kanilang mga bag bago pumasok sa eskwelahan.
Aniya, bunga ng mas maayos na implementasyon ng bag inspection, kapansin-pansin na rin ang pagbaba ng bilang ng mga ipinagbabawal na gamit na kanilang nakukumpiska. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








