Friday, October 2, 2026

TRADE FAIRS, GINAGAMIT NA DAAN SA PAGBANGON NG TURISMO AT MSMEs SA REGION 1

Ginagamit ng sektor ng turismo sa Ilocos Region ang mga trade fair bilang paraan upang muling mapalakas ang lokal na turismo at matulungan ang mga Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs na makabangon matapos ang epekto ng nagdaang habagat.

Ayon kay Department of Tourism Region 1 Regional Director Benjamin “Bingo” D. Manahan Jr., kabilang sa mga pangunahing programa ng kanilang tanggapan ang pagpapalago ng turismo at pagbibigay ng suporta sa mga MSME, lalo na sa mga nagsisimula pa lamang sa negosyo.

Samantala, sinabi ni Tourism Council Region 1 President Ma. Gloria Alano-Caluya, Ph.D., malaking oportunidad para sa mga MSME ang mga trade fair dahil nabibigyan sila ng pagkakataong maipakilala ang kanilang mga produkto sa mas maraming mamimili.

Kabilang umano sa mga tinutulungan ng kanilang tanggapan ang mga bagong MSME na nangangailangan ng pagkakataong makapasok at makilala sa merkado.

Para naman kay MSME Estrella Marzo, malaking tulong ang mga ganitong aktibidad dahil nakalalahok sila sa trade fair nang hindi nangangailangan ng malaking gastusin para makapagpakita ng kanilang mga produkto.

Aniya, mahalagang mabigyan ng espasyo ang mga lokal na produktong manwal na ginagawa ng mga manggagawa, lalo na sa panahong patuloy na umuunlad ang teknolohiya at dumarami ang mga produktong gawa sa makabagong pamamaraan.

Binigyang-diin niya na bukod sa pinagkakakitaan, bahagi rin ng pagkakakilanlan ng mga komunidad ang mga produktong gawa ng mga lokal na manggagawa.

Sa pamamagitan ng mga trade fair at iba pang programa, patuloy na itinatampok ng sektor ng turismo at negosyo ang mga lokal na produkto at kulturang nagbibigay-kulay sa Region 1.

Layunin din ng mga aktibidad na mapalawak ang oportunidad para sa mga MSME at makatulong sa pagpapanatili ng mga tradisyon at kabuhayang nakaugat sa kultura ng mga lokal na komunidad.

Hinihikayat naman ang publiko na tangkilikin ang mga lokal na produkto bilang suporta sa mga manggagawa at maliliit na negosyong bahagi ng turismo at lokal na ekonomiya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments