Mas napalapit na sa mga residente ng Calasiao at mga karatig-bayan ang serbisyong pangkalusugan matapos pormal na itinurn-over sa lokal na pamahalaan ng Calasiao ang bagong Super RHU 3 sa Brgy. Dinalaoan, Calasiao, Pangasinan noong, Sabado, Mayo 8.
Layunin umano nitong maghatid ng maagap, accessible at abot-kayang primary healthcare services sa mga residente.
Sa panayam ng IFM News Dagupan, sinabi ng Municipal Health Office (MHO) na ang naturang pasilidad ay magsisilbing “Nanay Center” na nakatuon sa mga serbisyong para sa mga ina at kanilang mga anak.
Tinatayang nasa pito na malalapit na barangay, kabilang ang mga barangay ng Lumbang at Ambuetel, ang inaasahang makikinabang sa pasilidad.
Kaugnay nito, kabilang ang Calasiao sa 26 na Super Health Centers na planong itayo o tapusin sa lalawigan sa ilalim ng pondong inilaan ng DOH sa iba’t ibang munisipalidad gaya ng Agno, Alcala, Bani, Malasiqui at Sison.
Sampung milyon ang inilaan ng ahensya para sa pagpapatayp ng pasilidad habang may karagdagang pondo namang inilaan ang LGU para sa mga kagamitan.
Samantala, nakibahagi sa turnover ceremony ang Representative ng ikatatlong distrito ng lalawigan, DOH Regional Director at ang nagdonate ng lupain para sa naturang pasilidad sa Brgy. Dinalaoan.
Matatandaang nauna nang isinagawa ang groundbreaking ng proyekto noong Oktubre 17, 2024. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣




