Ininspeksyon ng lokal na pamahalaan ng Asingan ang mga solar-powered water pump project sa Barangay Sanchez at Barangay Baro kasabay ng nararanasang matinding init ng panahon.
Ayon sa ulat, sinuri ng mga awtoridad ang kondisyon ng mga pasilidad at iba’t ibang bahagi ng irrigation system upang matiyak ang maayos na pagpapatubig sa mga lupang sakahan sa lugar.
Nakikipag-ugnayan din umano ang lokal na pamahalaan sa mga kinauukulang ahensya upang masiguro ang tuloy-tuloy na operasyon at paggamit ng mga naturang proyekto ngayong tag-init.
Pinangangasiwaan ang solar-powered irrigation projects ng Department of Agrarian Reform katuwang ang National Irrigation Administration sa pamamagitan ng Pangasinan Irrigation Management Office o PIMO.
Layunin ng proyekto na makatulong sa mga magsasaka sa pagpapanatili ng suplay ng tubig para sa kanilang pananim lalo na sa panahon ng matinding init at kakulangan sa ulan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣





