‎TOUR DE PANGASINAN: PADYAK SA KALAYAAN 2026, MATAGUMPAY NA NAISAGAWA SA PAGDIRIWANG NG IKA-128 ARAW NG KALAYAAN

Matagumpay na naisagawa ang kauna-unahang Tour de Pangasinan: Padyak sa Kalayaan 2026 noong Hunyo 12, 2026, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

Lumahok sa kompetisyon ang nasa 126 na siklista mula sa anim na distrito ng lalawigan na nagtagisan ng husay at tibay sa pagbibisikleta mula Umingan hanggang sa finish line sa Lingayen.

‎Dumaan ang mga kalahok sa mga bayan ng Umingan, Balungao, Rosales, Villasis, Malasiqui, Bayambang, Basista, Urbiztondo, Mangatarem, Aguilar, Bugallon, at Labrador bago tuluyang nagtapos sa Lingayen.

‎Ayon kay Governor Ramon V. Guico III, dahil sa matagumpay na pagsisimula ng patimpalak ngayong taon, nakatakda itong isagawa taun-taon bilang bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Pangasinan.

‎Samantala, sinabi ni Police Major Jimmy Paningbatan, Chief of Police ng Umingan, na mahigpit ang isinagawang seguridad para sa mga kalahok at sa mga rutang dinaanan upang matiyak ang maayos at ligtas na pagdaraos ng kompetisyon.

‎Nagbigay rin ng mensahe ang mga kinatawan mula sa bawat distrito bilang pagpapakita ng suporta sa naturang patimpalak.

‎Sa awarding ceremony, kinilala si Marco P. Guntang ng District 4 bilang Best Oldest Rider, na tumanggap ng P5,000 cash incentive. ‎Tinanghal namang Best Young Rider si Hurly Davidson Fernandez ng District 6, na nag-uwi ng P5,000, jersey, at tropeo.

‎Nakuha ni Roñyl P. Erguiza ng District 2 ang titulo bilang Sprint King, habang si Ronald N. Oranza ng District 5naman ang kinilalang King of the Mountain. Pareho silang tumanggap ng P5,000, jersey, at tropeo.

‎Itinanghal ding Most Combative Rider si Ericson G. Delos Santos ng District 3, na tumanggap ng P5,000, jersey, at tropeo. ‎Sa Team Classification on Time, nagwagi ang District 5 Team 2, na nag-uwi ng P30,000 cash prize at tropeo.

‎Sa kabuuang resulta ng karera, nasungkit ni Ronald N. Oranza ng District 5 na kinilala ring Sprint King ang Overall 2nd Place at tumanggap ng P15,000 cash prize.

‎Samantala, si Hurly Davidson Fernandez ng District 6, na kinilala ring Best Young Rider, ang itinanghal na Overall Champion ng Tour de Pangasinan: Padyak sa Kalayaan 2026 at nag-uwi ng P30,000 cash prize, jersey, at tropeo.

‎Binigyang-diin ni Governor Guico III na ang naturang patimpalak ay sumasalamin sa patuloy na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa larangan ng sports, partikular sa cycling, upang mahikayat ang mga Pangasinense na mamuhay nang malusog, umiwas sa bisyo, at paunlarin ang kanilang talento sa larangan ng palakasan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments