Sinimulan na ang paunang pagsasaayos ng matagal nang maalikabok na bahagi ng San Guillermo–San Vicente Provincial Road sa bayan ng San Jacinto bilang pansamantala umanong solusyon.
Sa panayam ng IFM News Dagupan, sinabi ng ilang residente na bahagyang nakatulong ang pagsasaayos ng bahagi ng daan para maiwasan ang mga nadidisgrasya dahil sa mga bakong parte ng kalsada.
Ayon sa mga opisyal, asphalt muna sa ngayon ang ilalatag sa naturang bahagi ng daan.
Kasabay nito, nakatakda rin umano sa susunod na linggo ang declogging o paglilinis ng drainage system sa Brgy. San Vicente para isaayos ang baradong tubig at maiwasan ang pagbaha sa lugar.
Sa ilalim umano ng mga inihaing resolusyon ng Sangguniang Bayan at mga barangay ng San Vicente at San Guillermo, patuloy umanong isinusulong ang konkretong pagsasaayos ng naturang provincial road bilang pangmatagalang solusyon sa problema ng mga residente at motorista.
Batay sa ulat, kabilang sa mga planong isulong ang konstruksyon ng cement concrete pavement na may road elevation, pagtatayo ng drainage canal, at pagtanggal ng mga istrukturang nasa loob ng road right-of-way.
Samantala, nagsagawa naman ng inspeksyon ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) noong Sabado para suriin ang kaligtasan ng naturang kalsada para sa mga motorista at iba pang gumagamit nito.
Umaasa ngayon ang mga residente na tuluyan nang maisakatuparan ang concreting project upang wakasan na ang matagal nang problema sa alikabok, putik, at pagkasira ng daan sa lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








