BANGGAAN NG BUS AT SUV; MAG-IINA SUGATAN

Cauayan City – Sugatan ang dalawang mag-ina matapos aksidenteng mabangga ng isang pampasaherong bus ang kanilang sasakyan sa Brgy. Nappacu Pequeño, Reina Mercedes, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Reina Mercedes Police Station, binabaybay ng Toyota Revo na minamaneho ng isang guro sakay ang tatlong menor de edad na anak nito ang kahabaan ng National Highway patungo sa direksyon ng Cauayan City, habang ang pampasaherong bus ay tinatahak ang kasalungat na direksyon.

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, pumasok sa kabilang linya ang guro at nag-overtake sa tricycle na nasa unahan nito, subalit nang pabalik na sana sa dati nitong linya, aksidente itong nasagi ng paparating na pampasaherong bus.

Sinubukan pang iwasan ng bus ang nag overtake na sasakyan subalit nabigo ito kaya naman nabangga nito ang kaliwang bahagi ng sasakyan.

Dahil sa pagkakabangga, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang guro na driver ng Toyota Revo maging ang anak nito na agad namang naisugod sa pagamutan upang lapatan ng agarang lunas, habang hindi naman nasaktan ang driver ng bus maging ang mga pasaherong sakay nito.

Facebook Comments