Bangkang pangisda na nasa WPS, binangga ng hindi pa tukoy na vessel

Patuloy na hinahanap ngayon ang tatlong mangingisdang sakay ng bangka na binangga ng hindi pa tukoy na sasakyang pandagat sa bahagi ng West Philippine Sea (WPS).

Sa ulat ng Coast Guard District National Capital Region – Central Luzon, nangyari ang insidente noong gabi ng January 30 kung saan binangga ang FBCA Prince Elmo 2 na may walong tripulanteng sakay.

Nakita ang mga ito noon lamang February 16 matapos dumaan ang Vietnamese cargo vessel na MV Dong An sa may bahagi ng Spratly Islands kung saan nasagip ang limang mangingisda.

Habang nawawala pa rin ang tatlong kasamahan nila.

Umalis daw ang mga ito sa Naic noong January 17 at planong mangisda sa bahagi ng Lubang Island, Occidental Mindoro pero dito na sila inabot ng malalakas na hangin na nagdala sa kanilang sinasakyang bangka sa bahagi na ng West Philippine Sea.

Dito naman nangyari ang pagbangga sa kanila ng hindi pa tukoy na sasakyang pandagat dahil wala raw silang ilaw para hindi matakot ang mga isda.

Agad namang ipinagbigay alam ng Atiko Trans Inc., na ship agent ng Dong An ang pagkakasagip sa mga Pinoy at kahapon nang inilipat ang mga ito sa barko ng Philippine Coast Guard na BRP Boracay.

Sa ngayon ay nakabalik na sa kanilang mga pamilya ang limang mangingisda.

Facebook Comments