Wednesday, August 19, 2026

BANTA NG LEPTOSPIROSIS, TUMAAS KASUNOD NG PAGBAHA; MGA LUMUSONG SA BAHA, PINAG-IINGAT

Pinag-iingat ng mga health authority ang mga residenteng lumusong o nalantad sa baha nitong mga nakaraang araw dahil sa posibilidad na magkaroon ng leptospirosis.

Kasunod ito ng malawakang pagbaha na naranasan sa ilang bahagi ng Pangasinan, partikular sa Dagupan City, Calasiao, Sta. Barbara, Malasiqui, Binmaley at Mangatarem, bunsod ng sunod-sunod na pag-ulan.

Ayon sa Department of Health o DOH, mahigit 2,000 kaso ng leptospirosis na ang naitala sa bansa mula Enero ngayong taon, habang 181 ang naiulat na nasawi.

Ang leptospirosis ay maaaring makuha sa tubig o lupang kontaminado ng ihi ng hayop, partikular ng daga. Mas mataas ang panganib kapag ang kontaminadong tubig ay nakapasok sa sugat o anumang bahagi ng balat na may galos.

Dahil dito, hindi lamang habang mataas ang baha dapat maging alerto ang publiko. Maaari ring lumitaw ang sintomas ilang araw matapos ang exposure, kaya mahalagang bantayan ang kalagayan ng mga lumusong sa baha.

Kabilang sa mga sintomas ang lagnat, panginginig, pananakit ng ulo at binti, pamumula ng mata at paninilaw ng balat.

Sa Dagupan City, nauna nang namahagi ang mga awtoridad ng gamot laban sa leptospirosis sa ilang residenteng nasa mga lugar na binaha.

Gayunman, pinapayuhan ang publiko na huwag basta uminom ng gamot nang walang wastong payo ng health professional at agad magpakonsulta kapag nakaranas ng sintomas matapos malantad sa baha.

Payo rin ng DOH, iwasang lumusong sa baha kung hindi kinakailangan. Kung hindi ito maiiwasan, magsuot ng proteksiyon gaya ng bota, takpan ang mga sugat at agad maghugas ng paa at katawan gamit ang malinis na tubig at sabon.

Bukod sa leptospirosis, patuloy ding pinag-iingat ang publiko laban sa dengue, influenza at iba pang sakit na maaaring kasabay na tumaas sa panahon ng patuloy na pag-ulan at pagbaha. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments