Wednesday, August 19, 2026

SEARCH WARRANT SA LINGAYEN, NAGBUNGA NG PAGKAKASAMSAM NG 89.9 GRAMO NG HINIHINALANG SHABU AT BARIL

Isang 33-anyos na lalaki ang nasa kustodiya ng pulisya matapos makuhanan umano ng 89.9 gramo ng hinihinalang shabu at isang baril sa pagpapatupad ng search warrant sa Lingayen, Pangasinan.

Isinagawa ang operasyon noong Agosto 17 ng Lingayen Municipal Police Station, katuwang ang SWAT at Explosive Ordnance Disposal ng Pangasinan Police Provincial Office at Philippine Drug Enforcement Agency–Regional Office 1.

Ayon sa awtoridad, ang search warrant ay inilabas kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa paghahalughog, narekober ang hinihinalang shabu na may tinatayang Standard Drug Price na P610,640.

Nakuha rin sa operasyon ang isang 9mm caliber pistol na walang markings, isang magazine at pitong bala.

Nasa kustodiya na ng Lingayen MPS ang 33-anyos na suspek habang sumasailalim sa kaukulang pagsusuri, dokumentasyon at disposisyon ang mga nakumpiskang ebidensya.

Inihahanda na rin ng pulisya ang mga kasong maaaring isampa kaugnay ng pagkakarekober ng hinihinalang ilegal na droga, baril at mga bala.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaso, kabilang ang pinagmulan ng nakumpiskang baril at hinihinalang ilegal na droga. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments