
Iginiit ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan na pangmatagalang solusyon na nakabatay sa siyensya ang susi para maresolba ang problema sa matinding pagbaha.
Diin ni Yamsuan, dapat itong tapatan ng disiplina ng mamamayan sa tamang pagtatapon ng basura at pagpapatupad ng mga lokal na pamahalaan ng mga programa para sa mahusay na sistema sa pagtatapon ng basura.
Ayon kay Yamsuan, ang paggamit ng mga backhoes sa paghakot ng basura, pagkakaroon ng mobile pumping stations, pagtatangal ng bara sa mga kanal, pagpapalalim o pagpalawak ng mga sapa at daluyan ng tubig ay pawang mga pansamantalang solusyon lamang sa pagbaha.
Dagdag pa ni Yamsuan, dapat ding magkatuwang na ipatupad ng mahigpit ng national at local government ang mga batas para sa proper waste disposal and segregation.
Hinggil naman sa pagbaha sa kinakatawan nyang ikalawang distrito ng Parañaque ay regular na nakikipag-ugnayan si Yamsuan kay Public Works and Highways Secretary Vince Dizon para sa mga kailangang kagamitan tulad ng backhoe at mobile water pumping stations.
Plano din ni Yamsuan na isulong na maipaloob sa ilalim ng 2027 national budget ang alokasyon sa upgrading ng mga lumang dike at pagtatayo ng mga ipunan ng tubig ulan sa ilalim ng mga basketball courts at open spaces katulad sa Maynila at Quezon City.










