
Umapela si Dr. Gary Dionisio, convenor ng Bantay Senado at dean ng St. Benilde’s Government and Diplomacy Department, na gawin sanang mas madaling maintindihan ng masa ang nagaganap na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Tinawag niya umanong legalistic at alienating ang nangyayaring trial dahil nawawala umano ang pangunahing layunin ng nasabing proceedings.
Ayon sa kanya, sa paglilibot ng Bantay Senado sa mga watch party ng kanilang grupo sa iba’t ibang lugar sa bansa, napansin nilang nahihirapan ang mga tao na intindihin ang mga terminong ginagamit sa nasabing impeachment trial.
Dahil dito, iminungkahi niya sa pamahalaan na, kung maaari, ay maglaan ng pondo upang maisapubliko ang buod ng nasabing proceedings sa iba’t ibang wika, kasama na ang sign language.
Giit ni Dionisio, sa ganitong paraan ay makakasunod at makaiintindi ang bawat Pilipino sa mga nangyayari sa impeachment trial ng Bise Presidente.










