Saturday, July 18, 2026

Mga senador, kinundena ang anila’y racist AI-generated video ng isang Chinese media outlet laban sa mga Pilipino

Mariing kinundena ng mga senador ang itinuturing nilang mapanghamak at mapanglait na Artificial Intelligence (AI)-generated video ng isang Chinese media outlet dahil ginawang unggoy ang mga Pilipino at pinagmukhang utusan ng Estados Unidos at Japan.

Ang AI-generated video ay may kaugnayan sa 2016 arbitral ruling sa West Philippine Sea (WPS) na pumapabor sa Pilipinas at hindi kinikilala ng China.

Iginiit ni Senate President Sherwin Gatchalian na kahit sa gitna ng isang hidwaan, hindi lisensya ang freedom of expression para sa pang-aabuso at pangungutya.

Umapela si Gatchalian sa pagbabalik ng matalino at may paggalang na dayalogo at hinimok ang media at mga institusyon na iwasan ang pagpapakalat ng kaparehong content.

Tinawag ding racist ni Senate Majority Leader Migz Zubiri ang video at iginiit na lumalabis na naman ang China dahil walang bansang may paggalang sa sarili ang papayag sa ganoong palabas.

Tiniyak ni Zubiri na patuloy na ipaglalaban ng Pilipinas ang karapatan nito sa West Philippine Sea na pinagtibay ng 2016 arbitral award.

Binigyang-diin naman ni Senator Robinhood Padilla na hindi dapat gamitin ang freedom of expression at debateng pampulitika bilang dahilan upang yurakan ang dignidad ng isang lahi o ng isang bansa, at nararapat lamang na kondenahin ang ginawang ito ng China.

Facebook Comments