BARATILYO SA GALVAN STREET SA DAGUPAN CITY, MANANATILI HANGGANG ENERO; PAGDAMI NG MAMIMILI SA DISYEMBRE, INAASAHAN

Nagsimula nang maglatag ng mga baratilyo sa Galvan Street sa Dagupan City ang mga nagtitinda ng iba’t ibang produkto.

Dito matatapuan ang iba’t ibang produktong inilalako ng mga tindero bilang paghahanda sa paparating na holiday season.

Ayon kay Abdul Karim, na nagtitinda ng mga tsinelas, pulseras at iba pang paninda, nagsimula silang magbukas noong Oktubre 24 at inaasahang mananatili sa lugar hanggang Enero, o sa loob ng tatlong buwan.

Alas-singko pa lamang ng madaling-araw ay nagsisimula na si Karim sa pagtitinda, na umaabot hanggang alas-dose ng hatinggabi.

Gayunman, magkakaiba ang oras ng pagbubukas ng mga tindero sa lugar, habang hindi pa umano gaanong malakas ang bentahan sa kasalukuyan.

Umaasa naman ang mga manlalako na dadami ang bibili sa kanilang mga paninda sa pagpasok ng Disyembre, kasabay ng paghahanda ng publiko para sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments