Inumpisahan nang puntahan at bisitahin ng ng Dagupan City Police Office o DCPO ang iba’t-ibang sementeryo sa lungsod para sa mas mahigpit na seguridad at pag-deploy ng mga pulis bilang paghahanda sa Undas 2026.
Personal na ininspeksiyon ni DCPO City Director PCOL Arnold P. Solomon, kasama si Deputy City Director for Operations PLTCOL Roldan O. Suitos, ang Mt. Zion Memorial Park at Bonuan Public Cemetery.
Layunin ng inspeksiyon na matiyak ang kahandaan at sapat na pag-deploy ng mga pulis, pagkakaroon ng mga Police Assistance Desk, maayos na pamamahala sa trapiko, at pagpapatupad ng mga hakbang pangkaligtasan sa mga sementeryo.
Sa kanilang pag-iinspeksiyon, nakipag-usap din si PCOL Solomon sa mga naunang dumating na bumibisita sa sementeryo upang pakinggan ang kanilang mga alalahanin sa seguridad.
Tiniyak ng opisyal ang mas malawak na presensiya ng mga pulis, tulong na makukuha sa anumang oras, at mahigpit na pagpapatupad ng mga protocol sa seguridad upang matiyak ang mapayapa at maayos na paggunita sa Araw ng mga Banal at Araw ng mga Kaluluwa.
Hinikayat naman ng DCPO ang publiko na sumunod sa mga panuntunan sa seguridad, iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit, at agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa pinakamalapit na Police Assistance Desk, sa DCPO hotline, o sa pamamagitan ng pagtawag sa 911. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








