Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan, sa pangunguna ni Mayor Belen T. Fernandez, kasama ang Ministry of Family and Life ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan, ang SAFEnet for Families Program noong Lunes, Oktubre 26.
Layunin ng programa na palakasin ang pagpapahalaga sa pamilya, paunlarin ang ugnayan ng mga miyembro nito, at itaguyod ang responsableng pagiging magulang sa ilalim ng temang “Matatag na Pamilya, Matatag na Dagupan.”
Bahagi ito ng SAFEnet Dagupan o Secure and Abuse-Free Dagupan, na nagtataguyod ng ligtas na tahanan kung saan ang mga bata ay minamahal, pinangangalagaan, at pinahahalagahan.
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni Rev. Fr. Allan Morris Abuan, pinuno ng Ministry of Family and Life, na ang lakas ng isang lungsod ay hindi lamang nasusukat sa mga imprastraktura at proyektong naitatayo, kundi pati sa kalidad ng ugnayan sa pagitan ng mga pamilya.
Bahagi rin ng inisyatiba ang pagpapatuloy at pagpapalakas sa mga naunang programang nakatuon sa pamilya, kabilang ang mass weddings, Batang Lehitimo Late Birth Registration, Violence Against Women and Children o VAWC Desk Services, at Goodbye Gutom Nutrition Program.
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod at ng Simbahan, isasagawa ang mga gawaing nagtataguyod ng wastong pagpapahalaga at pagpapaunlad ng pamilya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










