Thursday, April 16, 2026

483K HALAGA NG SHABU, SUNOD-SUNOD NA NASABAT SA PANGASINAN; TATLONG SUSPEK, TIMBOG SA MAGKAKAHIWALAY NA OPERASYON

Umabot sa kabuuang 71 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang halos Php483,000 ang nasamsam sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa iba’t ibang bayan ng Pangasinan noong Abril 15, na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong indibidwal.

Unang nagsagawa ng operasyon ang San Jacinto Municipal Police Station sa bisa ng search warrant kung saan arestado ang isang 31-anyos na jeep conductor at residente ng San Jacinto matapos makuhanan ng 12.40 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php84,320, kasama ang iba’t ibang drug paraphernalia.

Sumunod namang nahuli ang isang 40-anyos na lalaki sa San Nicolas ng San Nicolas MPS katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya at PDEA.

Ayon sa ulat, nasamsam ang 3.62 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang Php24,616, pati na mga kagamitan sa paggamit at pagbabalot ng ilegal na droga.

Sa Alaminos City, sa ikinasang operasyon ng Alaminos City Police Station, katuwang ang mga specialized units ng PNP at PDEA, arestado ang isang 31-anyos na magsasaka matapos makumpiskahan ng 55 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php374,000, kabilang ang digital weighing scale at iba pang drug-related items.

Isinagawa rin ang imbentaryo at pagmamarka ng mga ebidensya sa presensya ng mga mandatory witnesses, alinsunod sa itinakda ng batas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments