Umabot sa 434.7 kilo o 67 bag ng basura ang nakolekta sa Lucap Wharf sa Alaminos City kasabay ng International Coastal Clean-Up Drive 2026 noong Setyembre 19.
Bahagi ito ng magkakasabay na paglilinis ng mga baybayin sa ilang lugar sa Pangasinan, kabilang ang Tondol at Pandan Bolo Beach sa Anda at Bolasi Beach sa San Fabian.
Sa Alaminos, iba’t ibang sektor ang nagsagawa ng paglilinis sa Lucap Wharf kung saan naitala ang mahigit 400 kilong nakolektang basura.
Nagsagawa rin ng coastal clean-up ang mga estudyante at youth environmental groups sa Tondol Beach sa Anda.
Sa Barangay Bolasi, San Fabian, nagtulungan naman ang mga estudyante, guro, barangay officials, law enforcement agencies, emergency responders at iba pang volunteers sa paglilinis ng bahagi ng baybayin.
Kabilang sa mga lumahok ang Philippine Coast Guard, Philippine Navy, Philippine Army, PNP, BFP, BJMP at MDRRMO.
Isinagawa ang mga aktibidad kasabay ng International Coastal Clean-Up Day at Maritime and Archipelagic Nation Awareness Month 2026.
Bukod sa dami ng basurang nakolekta, nananatiling hamon ang pagpigil sa basura bago pa ito makarating sa mga daluyan ng tubig at baybayin, partikular sa pamamagitan ng maayos na waste disposal at regular na waste management sa mga komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






