Matapos ang pagbaha sa ilang bahagi ng Pangasinan, nasira at natanggal ang ilang inilagay na aspalto sa mga kalsadang dati nang may mga potholes at lubak.
Ayon sa ilang residente at drayber, dagdag-pahirap sa kanilang pagbiyahe ang muling paglitaw ng mga lubak sa daan. Maaari rin umano itong magdulot ng pinsala sa kanilang mga sasakyan.
Sa panayam ng IFM Dagupan kay Shelanie De Luna, isang negosyanteng malapit sa kalsada sa San Jacinto, sinabi niyang nahihirapan sila dahil may naiiwan pang tubig-baha sa kalsada, lalo na ngayong maalinsangan ang panahon.
Dagdag pa ni De Luna, nakadaragdag din sa kanilang problema ang mga malalaking sasakyang dumaraan na nagdudulot ng alikabok na kanilang nalalanghap.
Nangangamba rin silang magdulot umano ito ng aksidente o insidente sa mga dumaraan.
Umaasa si De Luna, gayundin ang ilang residente, na maisagawa ang pangmatagalang pagkukumpuni sa mga kalsadang itinuturing nilang banta sa seguridad ng mga motorista at iba pang dumaraan.
Nais nilang matiyak na sakaling muling dumaan ang bagyo o habagat, hindi na agad babalik sa dating bako-bako at lubak na kondisyon ang mga kalsada.
Samantala, tuloy-tuloy ang pag-aspalto ng Department of Public Works Amd Highways (DPWH) Region 1 sa mga may lubak o butas na bahagi ng kakalsadahan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








