
Niratipikahan na ng Senado ang bicameral conference report sa panukalang Batang Ligtas Act na pinalalakas ang proteksyon sa mga bata laban sa lahat ng uri ng pangaabuso sa online.
Sa ilalim ng niratipikahang bicam report, pinalalakas ang mga probisyon laban sa online sexual abuse and exploitation of children o OSAEC, at child sexual abuse or exploitation materials o CSAEM.
Tinutugunan din ng panukala ang bagong anyo ng online harm, kabilang ang recruitment, coercion, manipulation sa mga bata para makibahagi sa marahas na aktibidad, na iniuugnay sa nihilistic violent extremism o NVE.
Binigyang-diin ni Senator Risa Hontiveros na paglabag na sa batas na pagbabawal sa recruitment kahit hindi pa tuluyang sumasali ang isang bata sa planong pagsasagawa ng marahas na aktibidad.
Magtatatag din ng permanenteng Inter-agency law enforcement body na Philippine Internet Crimes Against Children Center o PICACC.
Palalakasin dito ang mga tool ng law enforcement, kabilang ang wastong undercover online operations, gayundin ang paggamit ng legal na nakuhang digital information sa mga imbestigasyon.
Samantala, inatasan ang Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bumuo ng mga programa para sa mga batang biktima ng online recruitment.










