
Pinaigting ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang inspeksyon sa mga establisimyentong nagbebenta ng vape products sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang matukoy ang ilegal na kalakalan at mga paglabag sa batas sa buwis.
Sa isinagawang operasyon noong Oktubre 7, ininspeksyon ang 65 establisimyento kung saan nakapagtala ng 19 na paglabag at nakapag-isyu ng 18 apprehension slips.
Sakop ng inspeksyon ang Cagayan Valley, Central Luzon, Laguna, Quezon at Marinduque, Negros Island Region, at Cagayan de Oro City.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, hindi nila palalampasin ang ilegal na bentahan ng vape products at pananagutin ang mga negosyong lumalabag sa batas.
Magpapatuloy ang mga inspeksyon at pagmamanman ng BIR, lalo na ngayong papalapit ang holiday season, upang matiyak na sumusunod sa mga regulasyon sa buwis ang mga nagbebenta at distributor ng vape products.










